Ano ang internet shutdown? Gabay para sa sambayanang Timog at Timog Silangang Asyano

Sa panahon ngayon ng digital na lipunan, lubhang mahalaga sa pang-araw-araw na pamumuhay ang pag-access sa internet: mula sa pagsasagawa ng pangnegosyo at pampinansyal na mga transaksyon hanggang sa pakikipag-usap sa iba at pagkatuto online. Kapag ipinagbawal ang pag-access sa internet, talagang magagambala ang buhay ng mga tao. Naging kaso ito sa ilang mga bansa sa Timog at Timog Silangang Asya sa panahong may kaguluhang panlipunan doon.

Ano ang internet shutdown, at ano ang nangyayari kapag ipinapataw ito ng pamahalaan o ibang mga nasa likod nito? May hihigit pa sa depinisyon nito bukod sa mismong pagputol ng access sa internet. Saklaw ng mga internet shutdown ang bahagyang pag-block ng access sa iilang websites at paglimita ng internet speed. Ang pag-unawa sa iba’t ibang uri ng mga shutdown at kung paano ito teknikal na isinasagawa ay mahalaga sa pagsisikap ng sambayanan upang makatawag-pansin sa mga lumalabag sa mga karapatan at mapanagot ang mga gumagawa nito.

Ipinaliliwanag ng artikulong ito ang iba’t ibang uri ng mga internet shutdown, paano ito ipinapataw gamit ang kasalukuyang teknolohiya, at paano tumutugon ang mga civil society groups upang itaguyod ang malayang pag-access sa internet.

 

Mga mito at maling akala

 Maaaring iugnay ang mga internet shutdown sa ganap ng mga blackout o di kaya’y bigyan ng kaparehong kahulugan sa censorship. Ayon sa crowdsourced na depinisyon mula sa koalisyon na #KeepItOn, ang internet shutdown ay isang “sinadyang paggambala ng internet o komunikasyong elektroniko, upang hindi ito ma-access o di kaya’y tuluyang hindi magamit, para sa isang tiyak na populasyon o sa loob ng isang lokasyon, na kadalasang ginagawa para sa pagkontrol ng daloy ng impormasyon.” Ipinakikita ng depinisyong ito na ang internet shutdown ay higit pa sa kawalan ng connectivity: ang mismong paggambala sa mobile service, pagpigil o pagpapabagal sa mga connection, o piling pag-block sa iilang mga platform.

Paano naman ang internet censorship? Habang maituturing na porma ng censorship ang mga internet shutdown (dahil hinahadlangan ng mga paggambala sa network ang mga tao sa pag-post ng content o pagpapahayag ng kanilang mga sarili online), hind isa lahat ng pagkakataon ay maituturing na shutdown ang internet censorship. Ang kaibahan, ayon sa Access Now, ay nasa pangunahing layunin ng blocked na mga platform. Binibigyang-diin ng naturang depinisyon ang paggambala sa electric communications; kung ang mga platform na dinisenyo para sa multi-way communications, katulad ng WhatsApp, Facebook, at Twitter ay blocked, saka ito maituturing na mga internet shutdown. Ngunit kung ang mga platform na primaryang naglalathala ng mga content ay blocked – katulad ng mga news website – ay saka ito maituturing na porma ng internet censorship.

 

Karaniwang mga dahilan sa likod ng mga internet shutdown

Maliban sa censorship at pagkontrol sa impormasyon, mayroong iba’t ibang mga dahilan ang mga taga-estadong nasa likod ng mga internet shutdown sa paggambala sa network. Naglista si Deniz Duru Aydin, dating Policy Fellow sa Access Now, ng ilan sa karaniwang mga idinadahilan ng pamahalaan:

  • Pambansang seguridad: Ito ang pinakakaraniwan at hindi malinaw na dahilan para sa mga internet shutdown. Ang kabalintunaan nito ay hindi umano nakararamdam nang kaligtasan at kasiguraduhan ang mga tao kung wala silang pagkukuhanan ng impormasyon at koneksyon sa kanilang mga mahal sa buhay.
  • Halalan: Nagpapataw ng shutdown ang mga pamahalaan upang matigil umano ang pagkalat ng mga maling impormasyon may kinalaman sa eleksyon. Gayunpaman, ang katotohanan ay hinahadlangan pa nito ang pagbabantay sa eleksyon at komunikasyon para sa mga mamamahayag at poll watcher.
  • Mga protesta: Kunwari ay ginagamit ang shutdown para panatilihin ang kaayusan sa mga protesta, ngunit sa pagpataw nito ay hinahadlangan din ang pag-alam ng mga tao sa tunay na kalagayan ng lugar.
  • Mga pagsusulit sa paaralan: Ipinaiiral sa pagtatangkang matigil ang pandaraya, milyun-milyon ang naaapektuhan ng mga shutdown imbes sa nilalayon lamang na iilan.
  • Pagbisita ng mga opisyal ng gobyerno: Upang maging ligtas ang mga opisyal ng gobyerno o mga lider-politikal mula sa ibang bansa, pinipili ng mga pamahalaan na magpataw ng mga shutdown na nanghihimasok sa Karapatan ng mga tao sa pagkuha ng impormasyon.

Sa nagdaang mga taon, ipinanawagan ng ilang mga pamahalaan sa Timog at Timog Silangang Asya ang mga naturang dahilan. Sa dalawang rehiyong ito nanggagaling ang ilan sa mga pangunahing nasa likod ng mga internet shutdown, ayon sa isang ulat ng Access Now. Noong 2021, tinatayang 128 internet shutdowns ang naitala sa Afghanistan, Bangladesh, India, Indonesia, Myanmar, at Pakistan, ngunit maaaring mas mataas pa ang aktwal na mga bilang.

Laging nangunguna ang India sa bilang ng mga internet shutdown, na hindi bababa sa 665 na naitala mula 2012. Isa rin ang Myanmar sa nangungunang nasa likod ng pagpapataw nito na hindi bababa sa 15 shutdowns noong 2021 matapos ang military coup. Sa gitna ng pampublikong mga protesta, inatasan ng junta ang pag-block sa social media at internet access doon. Sa kasalukuyan ay nagsusulong ng panimula sa isang mas mahigpit na paggamit ng mga virtual private network doon.

Sa Indonesia, naibalita ang West Papua dahil sa napakaraming mga shutdown na naitala noong 2019, at sa desisyon ng korte noong 2021 na naaayon sa batas ang pagharang sa internet access sa gitna ng kaguluhan sa lipunan. Maraming beses dinng nagpataw ng mga internet shutdown sa Bangladesh upang pigilan ang mga protesta, kontrolin ang kaguluhan dahil sa mga hidwaan sa relihiyon, at maiwasan ang mga usap-usapan at propaganda habang papalapit ang pambansang halalan. Marami ring paggambala sa network ang napaulat sa Pakistan, partikular sa mga magulong border region nito; at sa Sri Lanka sa nagdaang mga protestang nagmula sa isang krisis pang-ekonomiko.

Gayundin ay may naitalang kaugnay na kaso ng mga internet shutdown sa Pilipinas. Kinastigo bilang censorhip ang pag-takedown sa Facebook pages ng mga progresibong grupong Kilusang Mayo Uno, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), at Anakbayan noong January 2023. Noong 2022, blocked din ang website ng BAYAN, pati na ang mga website ng alternative media organizations na Bulatlat at Pinoy Weekly. Binura naman ng Facebook ang post ng College Editors Guild of the Philippines, UP Systemwide Alliance of Student Publications and Writers’ Organizations (UP Solidaridad), at Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP (AKM-PUP) na naglalaman ng isang pahayag na nagkukundena sa censorship at red-tagging.

 

Paano gumagana ang internet

Bago tumungo sa teknikal na mga aspekto ng mga internet shutdown, mahalagang maunawaan kung paano gumagana ang internet. Sa Oxford Dictinary, ang internet ay tumutukoy sa “global computer network na nagbibigay ng iba’t ibang impormasyon at kagamitang pangkomunikasyon, na binubuo ng magkakaugnay na mga network na gumagamit ng pamantayang protocol pangkomunikasyon. Dahil sa teknikal na imprastraktura na ito ay nagging posible ang pagbuo sa World Wide Web.

Ang internet ay isang grupo ng mga computer na konektado sa isang router, na konektado sa isang pang router na nangagasiwa sa iba pang mga kumpol ng magkakakonektang mga computer. Pinag-uugnay ng mga internet service provider (ISP) ang mga router na ito sa pamamagitan ng mga wired o wireless na koneksyon. Para ma-access ng mga end user ang internet, gumagamit sila ng web access software (internet browser) sa kanilang mga computer upang kumonekta sa mga server; ito ay espesyalisadong mga computer na nag-iimbak ng mga datos para sa mga webpage o app.

Kapag may nagta-type ng isang web address sa browser, maraming bagay ang nangyayari:

  • Pinupuntahan ng browser ang domain name system (DNS) server at hinahanap nito ang internet protocol (IP) address ng server na nagho-host ng website.
  • Ngayong alam na ng browser ang mismong lokasyon ng website, magpapadala ito ng isang Hypertext Transfer Protocol (HTTP) request sa server, at saka pakikisuyuang ipadala ang ni-request na datos sa client. Ang mensaheng ito, at ang lahat ng iba pang mga datos na ipinadala sa pagitan ng client at server, ay ipadadala sa internet connection gamit ang Transmission Control Protocol (TCP)/IP.
  • Magpapadala ng “200 OK” na mensahe ang server at ipadadala ang serye ng maliliit na mga piraso ng mga file ng website sa browser na tinatawag na data packet.
  • Bubuuin ng browser ang lahat ng mga data packet para maging isang kumpleto web page para ipakita sa user.

Gaya ng inilarawan dito, maraming bagay ang kabilang sa pag-access ng isang website. Kapag nagkaroon ng internet shutdown, karaniwang tinatarget ang karamihan sa mga bahagi nito. Ang pag-unawa sa estruktura ng internet at kung paano ito gumagana ay mahalaga upang malaman kung saang mga parte ng network nangyayari ang internet shutdown at kung paano ito ipinapataw.

 

Ang teknikal na pagpataw sa mga internet shutdown

Gaya ng makikita sa maikling paglalarawan sa kung paano gumagana ang internet, maraming bahagi nito ang bumubuo sa imprastraktura ng Web. Maaaring isagawa ang mga internet shutdown sa iba’t ibang parte ng network. Tinukoy ng Access Now, Jigsaw, at iba pang mga organisasyong nananaliksik sa mga internet shutdown ang mga sumusunod bilang karaniwang mga parte ng network na nakararanas ng internet shutdown:

  1. International internet backbone: Nakapagbibigay ng napakabilis na koneksyon sa internet ang mga optical fiber cable connection na nasa ilalim ng mga karagatan. Anumang sira o paggambalang mangyari rito ay makaaapekto sa lahat ng mga user at mga serbisyong naka-host sa apektadong bansa.
  2. Internet gateway: Mahalaga ang gampanin nito sa internet connectivity ng isang bansa dahil iniuugnay nito ang pandaigdigang internet traffic sa lokal na network.
  3. Pambansa at lokal na mga internet service provider: Ang mga ISP ay nakapagkokonekta sa tiyak na mga lugar. Kapag may paggambalang mangyari sa dakong ito, maaapektuhan nito ang lahat ng mga user na nakakonekta sa network na ito.
  4. Single spot (isang cellphone tower o tiyak na maliit na lugar): Ang mga paggambalang sa network ay nagdudulot ng isang targeted shutdown, kung saanang mga subscriber ng target na cellphone tower ang tanging maaapektuhan nito.

Paano isinasagawa ng mga nasa likod nito ang mga internet shutdown? Mayroon bang “on” at “off” switch para sa internet?

Kapag kinontrol na ng pamahalaan ang imprastraktura ng internet (sa pamamagitan ng sarili nitong mga service provider), maaari lamang nitong pagbawalan ang pag-access sa sarili nito nang hindi na gumagamit ng iba pang party. Kung hindi, inaatasan ng mga nasa likod nito ang mga ISP na limitahan ang pagkakonektado sa network o harangin ang ilang mga website. Depende sa hangarin ng paggambala sa network, ginagamit ng mga ISP ang isa sa mga paraang nakalista sa ibaba:

  1. Fundamental infrastructure shutdown: Sanhi ng ganitong uri ng internet shutdown ay ang pagbagsak o pagkasira ng mga pisikal na imprastrakturang pangkomunikasyon na kailangan para sa internet services. Halimbawa nito ang pisikal na destruksyon ng isang power grid o cellphone tower.
  2. Pagruruta: Gumagana ang pagmamanipula sa routine ng network sa pagpapalit ng impormasyon ng ruta at mahahalagang mga parte (halimbawa, international na mga gateway) para maharang ang network traffic at hindi makadaan nang lagpas sa kinontrol na imprastraktura.
  3. Pagmamanipula sa DNS: Isang naming system ang DNS na nagsasalin ng mga domain name na nababasa ng tao (tulad ng google.com) sa mga IP address na nababasa ng mga makina (tulad ng 142.251.32.46). Maaaring magdulot ng shutdown sa mga tinatarget na mga serbisyo ang pagmamanipula sa impormasyon ng DNS. Nangyayari ito kapag ang impormasyon ng DNS ay minamanipula upang dalhin ang mga user sa isang kathang-isip na server o server na kinokontrol ng mga nasa likod ng shutdown.
  4. Pagsasala: Sa ganitong uri ng shutdown, ginagamit ang mga commercial filtering appliance at transparent proxy device upang harangan ang pag-access sa internet services. Gumagana ang mga filtering device na ito sa pagsusuri ng metadata mula sa network traffic at saka pahihintulutan o pagbabawalan ang access batay sa naturang metadata.
  5. Pagpapabagal (Throttling): Sa ganitong uri ng shutdown, hinaharangan ang daloy ng data sa network, ngunit hindi ito lubusang pinipigil. Pinapabagal ang pag-access sa internet o tiyak na mga serbisyo o sanggunian upang hindi ito magamit; halimbawa ang  pagpapabagal ng mobile internet sa 2G o paglilimita sa mga data speed.
  6. Deep Packet Inspection: Sa ganitong uri ng shutdown, sinisiyasat at sinasala ang network data. Kapag napag-alamang hindi umaalinsunod sa mga pamantayang itinakda ng nasa likod ng shutdown ang data packet, hinaharangan ito sa pagdaan nito sa parte ng inspeksyon.
  7. Denial of Service (DoS) attack: Sinasadya ng pag-atakeng ito na patayin ang isang makina o network para hindi magamit ng mga user. Nagpapadala ito ng pekeng traffic sa mga tinatarget na platform o server upang abalahin ito at maiwasang magbigay ng data sa mga user.

 

Pagpapataas ng kamalayan sa mga internet shutdown

Sinusubaybayan at binabantayan ng maraming research institution at civil society group ang mga internet shutdown na nangyayari sa buong mundo. Kasama rito ang Open Observatory of Network Interference (OONI), na bumuo ng isang mobile app na sumusukat sa pag-block ng mga website at saka’y isinasapubliko ang datos mula rito sa OONI Explorer. Minomonitor naman ng Internet Outage Detection and Analysis (IODA) project ang internet upang alamin ang macroscopic na mga internet outage na nakaaapekto sa edge ng network, habang kinokolekta naman ng Censored Planet ang mga datos mula sa higit 200 bansa upang matukoy ang presensya o kawalan ng pagsesensura. Sa pamamagitan ng kanilang Transparency Reports, isinasapubliko ng Google sa mga produkto nito ang datos nito ukol sa traffic, at itinatala nang real-time ang mga paggambala sa access na nagpapahiwatig ng mga shutdown. Marami na ring mga research report at sanggunian ang inilathala upang itala ang mga insidente ng internet shutdown sa buong mundo, na inilabas ng mga grupong tulad ng OONI, Access Now, at EngageMedia.

Mahalaga ang ganitong gawain ng pagmomonitor at pagdodokumento ng mga internet shutdown sa pagpapataas ng kamalayan ng publiko at paggigiit sa mga awtoridad na panagutin ang mga may pakana sa paglabag ng mga karapatang ito. Habang ikinakatwiran ng mga pamahalaan ang pangangailangan ng mga internet shutdown para sa pambansang seguridad at kaayusang pampubliko, ang malalawak na mga hakbanging ito ay kumikitil sa kalayaan sa pagpapahayag, humahadlang sa mga peryodista at aktibista sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at nagdudulot ng ekonomiko, politikal, at sosyal na pinsala.

Sa pagdodokumento ng mga internet shutdown at pagpapataas sa kaalaman at kamalayan ng publiko sa pag-iwas at pag-uulat sa mga paghihigpit sa pag-access, epektibong mapatatatag ng mga nagsusulong ng digital rights at ng sambayanan ang nagpapatuloy na paglaban sa ganitong uri ng digital na awtoritaryanismo.

For the original version (in English) of this essay, you may visit: https://engagemedia.org/2022/internet-shutdowns-south-southeast-asia/

Read more

Enter Your Name and Email Address to Receive Pricing Information [mc_contact_top form=GetQuote]

Schedule an Appointment

[mc_contact_top form=MakeAnAppointment]